Boac, Marinduque, Philippines — Matagumpay na isinagawa sa Marinduque State University ang seremonya ng pagpupugay sa watawat na pinangasiwaan ng College of Arts and Social Sciences noong Agosto 10, 2026, kasabay ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kabataan at ng Buwan ng Kasaysayan.
Nagsimula ang programa sa doksolohiya ni Bb. Joanna Marie N. Joven, sinundan ng pag-awit ng Lupang Hinirang sa saliw ng MarSU Brass Band, panunumpa sa Watawat ng Pilipinas na pinangunahan ni Bb. Jozel Advincula, panunumpa sa Bagong Pilipinas ni Bb. Lovely C. Morong, at panunumpa ng Lingkod Bayan ni Dr. Rosalyn J. Dasco.
Kasunod nito, ipinahayag ni Dr. Leodegario M. Jalos, Jr., Pangawalang Pangulo sa Akademikong Ugynayan, ang opisyal na mensahe mula kay Prof. Diosdado P. Zulueta, Tanyag na Pangulo ng Pamantasan, na nagbigay-diin sa disiplina, serbisyo, at kahusayan bilang gabay ng pamantasan.
Nagbigay ng inspirasyong talumpati si Kgg. Congressman Reynaldo Salvacion, na kinatawan ni G. Primark Salvacion, na nagpaalala sa kahalagahan ng kabataan at kasaysayan sa paghubog ng kinabukasan. Sa kanyang mensahe, inihayag din ang probisyon ng service vehicle para sa mga estudyante at manggagawa, bilang dagdag na suporta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Tampok din ang isang pagtatanghal na pinamagatang “Hinubog ng Bayan: Kasaysayan ng Marinduque”, na nagbigay-saysay sa yaman ng kultura at kasaysayan ng isla.
Ipinahayag din ng International Relations and Linkages Office (IRLO) ang opisyal na anunsyo para sa MarSU ASEAN Month Celebration 2026, na may temang “Navigating Our Future, Together.”
Nagtapos ang programa sa pag-awit ng MarSU Hymn sa saliw ng MarSU Brass Band, na muling nagpatibay sa diwa ng pagkakaisa, pagmamahal sa pamantasan, at pagdiriwang ng ating kasaysayan.