Boac, Marinduque, Philippines — Nakapag-umpisa na ang preparasyon para sa tatlong taong paghahanda sa ika-70 taong anibersaryo ng koronasyon sa Mahal na Birhen ng Biglang Awa sa 2028 bunga ng inisyatiba ng Dambana ng Mahal na Birhen ng Biglang Awa kasama ang hermanidad nito.

Nilinaw ng kura paruko ng Dambana ng Biglang Awa, si Fr. Ian Retardo na tradisyonal na solemne ang pagpaparangal sa Mahal na Birhen ng Biglang Awa tuwing Nobyembre ngunit sa Mayo, panahon ng Santa Cruzan at pag-aalay ng bulaklak kay Maria ay mas akmang gawin sa Mayo. “Kung ang mga Batangueño ay may sublian, ang mga Caviteño ay may karakol, dito sa atin ay may tubungan o putong,” aniya Fr. Retardo.

Bilang ang Marinduque State University (MarSU) ay ginawang sagisag kultura ang manunubong o magpuputong. Si Fr. Retardo ay naglilingkod din bilang kinatawan ng pribadong sector bilang rehente. Hindi naging kumplikado o mahirap ang preparasyon, mula sa putong adaption, bagong areglo at pagrerekord. Inabisuhan din ang mga piling manunubong mula sa distrito ng kabilang ilog, baybay dagat at población. Nakatutok din ang mga kaparian sa pagrebyu at pagtatasa.

Noong Marso 16 hanggang 20 ay nagsimulang kalapin ang iba-ibang liriko tungkol sa tubong o putong. Nagpasa ng mga kopya para sa pagkonseptwalisa ng sayaw, tugtog at awit tugma sa liturhikal na tema ng pagpaparangal.  Nagbigay ng panahon para sa mga puna at pagrepaso sa pagitan ng Marso 23 hanggang 27. Bagamat inabot ng mga Mahal na Araw at National Culture and Arts Festival, tuloy lamang ang preparasyon ng musika. At itong Abril, buwan ng Panitikan ay napagkayarian ang liriko, tugtog at mga hakbang.

Ang kasunod na gawain ay ang pagpapamilyarisa ng mga manunubong sa kanilang bahagi sa paggitan ng Abril 20 hanggang 24. Pagkatapos ay magdaraos ng serye ng pagsasanay para sa mga batang mananayaw, sa mga nakatatanda at maging sa mga banda maging kung saan mga kubol hihinto kasama ang paggagayak dito.

Napagkasunduan ng huling pulong nang Miyerkoles, Abril 15 ang mga kubol ay sa Chinggay’s Café sa Brgy. San Miguel, Ledesma House sa Brgy. Murallon at Kusina sa Plaza sa Brgy. Malusak. Ang mga motif at simbolo ay pinaliwanag ni Mam Ruby Ann Lantita ng MarSU Culture and Arts, sa unang kubol ay kandila, sa pangalawa ay bulaklak o basket at sa ikatlo bago tumungo sa dambana ay palma. Nagtoka na din ng mga tutugtog na musiko sampu ng MarSU brass band, Marinduque National High School (MNHS), San Rafael ng Cawit at ng banda ng Mogpog kasama si Mayor Senen “Jojo” Livelo Jr.

[Randy T. Nobleza/Island Innovation Academic Council Representative]